Dahil nga sa pandemya, maraming pamilya ang hindi magkakasama ngayon, lalo na sa mga espesyal at mahahalagang araw sa kanilang buhay. May mga inang nanganak na hindi kapiling ang asawa dahil nasa ibang lugar at hindi makabyahe. May mga estudyanteng hindi nakapag graduation dahil sa pandemya, may mga birthdays na hindi ipinagdiwang kasama ang mga kaibigan at kapamilya dahil ipinagbabawal ang mga pagtitipon.

Nakakalungkot mang isipin ngunit ito na ang new normal ngayon. Isa rin sa mga nalungkot sa mga pangyayari ang aktres na si Erich Gonzales.
Kamakailan lang ay idinaos ni Erich ang kanyang 30th birthday, ngunit sa taong ito, nalulungkot umano ang aktres dahil mag-isa nyang ipinagdiwang ang espesyal na araw sa kanyang buhay.

Hindi nakasama ni Erich ang kanyang pamilya, ang kanyang ina, at kapatid. Sa kanyang birthday vlog, nagparating lamang ng pagbati ang mga kaibigan at kapamilya ni Erich sa pamamagitan ng chat at video calls.

Marami din ang nagpadala ng mga regalo sa aktres, mga cakes, at surpresa. Subalit sa bandang huli ng kanyang vlog kung saan kausap nya sa isang video call ang kanyang mga pamilya, hindi na napigilan ng aktres na mapaluha.

“Sobrang miss ko lang ang family ko especially ngayon. Medyo sad lang konte na sana kasama ko sina mama, si ate, si kuya” pagpapahayag ng aktres.
“Siguro dasal ko lang talaga na matapos na to lahat no? Para makasama na natin yung mga mahal natin sa buhay”, dagdag pa ni Erich.

Isa din sa mga espesyal na tao na nagparating sa kanya ng pagbati at mensahe ay ang aktor na si Enchong Dee. Maririnig sa kanyang recorder audio message na napaka sweet nito kay Erich.
Samantala, nagpasalamat naman si Erich sa lahat ng mga sumusuporta sa kanya at nagmamahal. “I just wanted to say thank you for all the love and support. Hindi po talaga ako magsasawa magpasalamat sa inyo”, banggit pa nito.

Saad pa ni Erich na ang isa sa mga pinakamagandang regalo na natanggap ngayon ay ang magandang kalusugan.