Si Anthony Jesus Alarcon o mas kilala bilang Jestoni Alarcon ay isa sa mga kilalang Filipino actor sa bansa. Isa rin siya sa ilang local artist na nakilala at talaga namang tumagal sa mundo ng showbiz.
Nagsimula sa pag-aartista si Jestoni sa edad na 16. Ngayon ay tatlong dekada na at higit pa siyang aktibo sa pagiging aktor. Marami na rin siyang nagawang pelikula at teleserye sa telebisyon.

Noong 80s at 90s ay namayagpag ang karisma ng aktor at isa siya sa mga in-demand matinee idols noong panahon. Isa si Rita Avila sa naging katambal ng aktor.
Sa kabila ng edad na 57 taong gulang, napanatili parin niya ang malusog at magandang pangangatawan. Kaya naman marami ang nagsasabing may asim pa umano ang aktor na ito.

Ibinahagi naman ni Jestoni sa isang episode ng Pinoy MD ang kanyang sikreto upang mapanatili ang kanyang pagiging Hot Dad Bod.
‘I do exercises. I eat the right food na tama sa katawan, yung healthy food and at the same time, yung social din with friends, bonding time with the family. So kailangan kumpleto eh. Kailangan balance ang takbo ng buhay.’, bahagi ng aktor.

Maaalalang sumabak ito sa pulitika dahilan upang magpahinga muna siya sa pag-aartista noong taong 2000s. Nagserbisyo siya bilang councilor sa Antipolo mula 2001 hanggang 2004 at Vice Governor naman ng Rizal Province mula 2004 hanggang 2007. Noong 2014 naman ay nakatanggap siya ng honorable Eastwood City Walk of Fame star para sa kanyang naging tagumpay sa mundo ng showbiz.

Matatag naman hanggang ngayon ang buhay pag-ibig ng aktor. Magtatatlong dekada na itong kasal sa kanyang misis na si Lizzette Alarcon. Maganda pa rin ang samahan ng mag-asawa.
1991 nang unang mag-krus ang kanilang landas at mula noon ay napaibig na sila sa isa’t-isa. Dahil sa tatag ng kanilang relasyon, ipagdiriwang na nila ang kanilang 30th wedding anniversary sa Disyembre.

Tatlo naman ang naging bunga ng kanilang pag-iibigan. Sina Jessica, Angela at Anthony Pierce ang kanilang mga anak. Ang isang anak na si Angela ay sumunod sa yapak ng ama sa showbiz at ngayon ay isang talent ng GMA Artist Center. Degree in Speech Communication sa University of the Philippines – Diliman ang kanyang tinapos at siya ay isang cum laude.

Pagkatapos sa pag-aaral ay agad naman siyang kinuha ng GMA-7 at tinanggap naman niya kaagad ang naging offer sa kanya ng network.
Source: Jestoni Alarcon Instagram