Connect with us

Inspiring

Sikat Na Coffee Shop Nasa Gitna Ng Palayan

Napakarami sa atin ang sobrang hilig sa kape. Ang iba ay tila ginagawa na lamang itong tubig dahil sa sobrang pagkahilig rito. Marami ding mga patok na coffee shops na talaga namang dinadayo ng mga coffee lovers.

Isa rin sa magandang negosyo ang mga cafè o coffee shops dahil nga sa dami ng nahihilig sa mga inumin. Hindi pa nga umano kumpleto ang araw ng ilan sa atin kung hindi natin nalalanghap ang bango ng kape. Nakakapagbigay din ng relaxation ang pagkakape ayon sa ilan.

Karamihan sa mga coffee shops ay makikita sa mga malls o sa mga pwestong madalas puntahan ng nakararami. Ngunit kakaiba ang coffee shop na ito na pagmamay-ari ng mag-asawang Mawi Rillorta Jr. at Zelle Verzosa Bendito, ito ay kanilang pinangalanang ag.KAPI.ta. Ang nasabing coffee shop ay matatagpuan sa gitna ng malawak na palayan sa Daang Kalikasan Road sa Pangasinan.

Nakakarelax umano ang tanawin dito dahil napapalibutan ang shop ng ilang mga puno. Outdoor at minimalist coffee shops ng Japan umano ang inspirasyon ng kanilang naturang coffee shop.

“Naisip namin ngayong pandemic, problema ngayon is mental kasi nasa bahay tayo, stressed sa trabaho, stressed dahil walang nakikitang bago.”

150,000 pesos ang panimulang kapital ng mag-asawa upang maisakatuparan ang coffee shop. Bagamat kulang umano ang halagang ito, ipinagpatuloy pa rin nila ang pagsisimula ng kanilang negosyo.

Unang nagtrabaho sa barko si Mawi bago nito sinabak ang pagnenegosyo. Pinasok niya rin ang pagiging waiter sa mga mamahaling restaurant. Kwento niya, hindi raw sya kuntento sa pagiging waiter kaya pinag-aralan niya kung paano gumawa ng mga inumin. Nagpursige siya dahil sa kagustuhang umangat sa buhay.

“Kunyari may order ng cappucino, ako ang gumagawa. Kahit hindi ko kaya, sabi ko, ‘Someday, magkakaroon ako ng sarili kong coffee machine and coffee shop,'” pagbabahagi niya.

Kitang-kita ngayon ang tagumpay ng noon ay pangarap lamang na coffee shop. Nagbigay naman si Mawi ng kaunting payo sa mga kapwa negosyante at sa ibang nais rin at may pangarap magtayo ng negosyo.

“Makaisip kayo ng isang negosyo, na sa tingin ninyo buong puso ‘yung pagmamahal ninyo doon sa negosyo na ‘yon, gawin niyo. Paano mo nga ba malalaman kung hindi mo susubukan?” ayon sa kanya.

Kaya kung ikaw ay nangangarap magtayo ng sarili mong negosyo, pag-isipan mo ito ay idulog sa panalangin. Walang imposible sa Kanya. Magtiwala lamang na kaya mo itong maisakatuparan sa tulong din ng Diyos.

Continue Reading
Advertisement
Loading...

Trending